Ganap nang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Huwebes ng gabi si Sarah Discaya, kaugnay ng P96.5-milyon na umano’y ghost flood control project sa Davao Occidental. Nangyari ito ilang oras matapos ianunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na may inilabas nang arrest warrant ang korte laban kay Discaya at ilan pang personalidad.
Isinilbi ng NBI ang arrest warrant kay Discaya na nasa kanilang kustodiya na noong nakaraang linggo matapos itong kusang sumuko dahil sa naunang impormasyon na may lalabas nang arrest warrant laban sa kaniya.
Ayon kay Marcos, nahaharap si Discaya at iba pa niyang kapuwa akusado sa kasong graft at malversation of public funds, na non-bailable case, o walang piyansa para sa pansamantalang kalayaan habang dinidinig ang kaso.

